*kapag alam mo kung saang kanta galing tong mga lyrics na 'to, may 54% chance na ikaw si Katrina Go.
***
Mahal Kong Kating,
Na-tempt akong magsorry sa dating sinabi ko na pa-conyo kang mag "Fuck You." Pero hindi ko na babawiin yun. Galing sa puso ko yun. Kung ako ang nasa posisyon mo, kung near-death na rin ako dahil sa isang natataeng jeep driver, malamang, hindi ko sinabi yung "Fowk Yewwww!" Malamang, sinabi ko, "Tangina mo ka, Manong!"
Hindi laging comfortable ang buhay natin. Maraming times na napuputulan tayo ng kuryente at malunggay lang ang laman ng ref. Alam ko na-experience mo na rin na ma-delay ang bayad ng tuition. Hindi sa lahat ng panahon, maginhawa. Pero alam ko na mag-a-agree ka sa akin na kahit hindi laging maalwan ang buhay natin, hindi natin ipagpapalit yung paraan na lumaki tayo. Hindi natin ipagpapalit sa bidet ang tabo natin sa banyo. Hindi natin ipagpapalit ang mga sachet ng toyo at suka sa kusina, at ang Champion detergent (dahil iisa lang ang Champion). Hindi natin ipagpapalit ang mga electric fan natin na kailangang i-pray over para gumana.
Proud ako sa ating magkakapatid, sa pagiging grounded nating mga tao. Kumpara sa mga taong nakakasalamuha natin, mas malawak ang pangunawa at mga pananaw natin sa mga bagay-bagay. Sige, oo na, hindi pa tayo nakakapunta sa ibang time zone, hindi pa tayo nakakaranas ng snow, pero alam ko na ikaw (pati si Adriane at Mayang din) ay a-agree na maraming mga maliliit na mga ligaya sa buhay ang hindi ipinagkait sa atin. Yung mga finer things in life, alam ko na paunti-unti, nae-experience na din natin. Pero malaki ang pagpapasalamat ko na pinalaki tayo sa paraang gusto kong mapalaki ang mga magiging anak ko.
Ita-try kong gumawa ng listahan ng mga maliliit na kajologang bagay na nagbubuklod sa ating magkakapatid.
1.) Videoke. Okay din naman ang RockBand, kaso walang mga kanta ang Aegis sa RockBand. Sulit na pang-alis ng pagod sa trabaho. Hanggang garagal na ang lalamunan. Hanggang may umangal na neighbors. Malamang wala naman. Kanya-kanyang panahon lang naman yan sa pag-abuso ng mic. Feeling ko nga, may unspoken treaty sa Camella Homes na bawal magreklamo kapag nagvi-videoke ang kapitbahay mo. (Teka, bayad na ba yung videoke player natin??)
2.) Teleserye. Nakakainis na dahil sa schedule natin sa trabaho, hindi na tayo nakakapanood ng "Katorse". Pero okay lang yan. Pakwento na lang tayo kay Mylene. Sana lang naliligo siya araw-araw. Pero sabi niya, hindi raw yata siya maliligo hanggang hindi na-re-reelect si Erap.
3.) Pagko-commute. Nakakapagod, oo. Nakakadugo ng wallet, I know, right. Pero naman. Saan ka pa ba makakapanood ng mga movies ni Dolphy at ni Philip Salvador? Which brings me to one realization - gusto ko naman pala ang mga movies na may song-and-dance number sa ending, provided na first na ipinalabas yung movie before 1991. Hindi ko din ma-explain 'to, pero effective na pampatulog yung mga nagpupunta sa harap at nagpapasa ng mga envelope na may nakalagay na "Love Offering".
4.) Street Food. Ma-achieve ko lang ang target weight ko, babalik ako sa pagkain ng kwek-kwek at gulaman. Nami-miss ko na rin yung mga donut na tag-P2, yung piniprito sa tabi-tabi lang. Yung pinagulong-gulong sa asukal. Mas masarap pa sa Krispy Kreme. As in.
5.) Spaghetting matamis. Nakita mo na ba yung bagong commercial ng UFC Ketchup? Naiyak ako dun. Hindi dahil na-touch ako, kundi dahil nami-miss ko nang kumain ng spaghetti. Yung matamis. Yung may 6/7 na bote ng ketchup. Yung natitirang 1/7 na bote ng ketchup, lalagyan pa ng mainit na tubig. Masarap na sawsawan ng galunggong fried to perfection.
6.) Tabo. Dati, naalala ko, for some reason, nawala yung tabo natin. Buti na lang, marami tayong lumang lalagyan ng ice cream. Mas masaya kayang maligo gamit ang tabo. Mas ramdam mo yung hampas ng tubig. Parang dura lang kasi yung shower e. Pero pag marami na tayong pera, papa-install tayo ng European style shower head sa banyo. Para kang naliligo sa alulod, ang lakas niya!
7.) Pamamalengke. Hindi mo masyadong na-experience 'to, kasi ako lang naman ang laging sinasama ni Mama kapag namamalengke siya. Yung mga characters sa utak ko, inspired sa mga characters na nakikita ko sa palengke. Hindi lang mga mikrobyo ang napupulot ko sa palengke. Sa palengke ako natutong magtiwala. Kahit gaano katagal mawala si Mama, alam ko babalikan niya ako kasi babayaran niya yung kinain ko na palabok.
8.) Gay lingo. Dati, nagagamit natin 'to para hindi maintindihan ni Mama yung mga pinaguusapan natin. Pero ngayon, dahil sa lagi tayez nag-ge-Gay lingo sa balaychina, pati si Mudrabelles, chumechever na. Kalerky.
9.) Sarah Geronimo. Tayo lang ang nakakaintindi nito. Dapat talaga siya na lang yung ginawang Vivian, instead of KC Concepcion. Napakapilit. Nakakasakit sa bungo yung pagpupumilit niyang maging jologs.
10.) Wowowee. Epektibong pampatalas ng isip ang game na Hep Hep Hooray (oo, Hep Hep, hindi Hip Hip). Kapag nasa office ako, naiinis ako kapag nasa Discovery Channel yung TV sa pantry kapag lunch time. Nililipat ko agad sa Wowowee. Nagbibigay ng ibang saya sa puso ko ang mga hairstyle ni Pokwang. Mas nakakayanan kong tiisin yung remaining half ng araw ko sa trabaho.
Bigla akong tinamad magsulat. Nag-vivideoke na kayo e. Hindi niyo na naman ako hinintay.
Looking back, wala ako dapat maging bitterness sa buhay. Marunong akong mag-English. Hindi ako nagte-text lingo. Marunong akong magmura ng malutong kapag hinihingi ng pagkakataon. Hindi sumasakit ang tiyan ko sa isaw. Alam ko kung paano mag-commute papunta sa Silang, Cavite. Matatag ako sa init (pero mahina ako sa aircon). Kaya kong mabuhay sa P50 sa isang araw, kung hindi ako lalabas ng bahay. Alam ko ang pinaka-bonggang paraan para ma-enjoy ang P500 sa isang araw.
Masaya ako sa buhay natin. Magaganda tayong mga tao, na kayang mabuhay sa lahat ng uri ng sitwasyon. Kaya natin 'to dahil kahit madalas tayong magmurahan at mag-"hiraman" ng napkin, mahal natin ang isa't isa.
P.S. I-promise mo sa akin na hindi ka mag-bo-boyfriend na mahilig mag-dudeparechong at nagsusuot ng orig na Crocs. Itatakwil kita.
***
If you are real, you will be ugly only to those who do not understand.